Aabot sa mahigit 10,000 bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang dumating sa probinsya ng Romblon noong Martes, May 11, ayon sa Provincial DOH (Department of Health) Office sa lalawigan.
Sinabi ni Ralph Falculan, Development Officer ng DOH-Mimaropa, na aabot sa 3400 doses ng Sinovac at 7200 doses ng Astrazenica Covid-19 vaccines ang dumating sa Romblon Airport sakay ng eroplano ng Philippine Coast Guard mula sa Regional Office ng DOH.
Aniya ang mga bakuna ay magagamit para sa second shot ng ilang A1 frontliners at para naman sa first shot ng ilang kabilang sa A2 priority list o mga Senior Citizen.
Sinabi ni Falculan na aabot sa halos 29,000 na senior citizen sa probinsya nag target nilang mabakunahan ng Covid-19 vaccines.
Ang mga dumating na bakuna ay diniretso sa isang cold-chain storage facility ng probinsya na matatagpuan sa Romblon Provincial Hospital sa Odiongan habang ang iba naman ay sinimulan ng ihatid sa mga vaccination sites para sa masimulan muli ang bakunahan.
Inaasahang sa Lunes ay aarangkada na ang pagtuturok ng mga dumating na Covid-19 vaccines.