Kung ngayon gagawin ang eleksiyon batay sa isang survey, tiyak ang panalo raw sa pagkapangulo si Davao City Mayor Inday Sara Duterte. Ngunit kung pag-aaralan mga tropapips ang numero, sa tunay na laban, mukhang hindi nakasisigurong mamana niya ang tronong babakantehin ng kaniyang amang si President Mayor Digong Duterte.
Batay sa naturang survey na ipinasilip ng isa nating kurimaw na nagpapataya na parang ending sa halalan, nakasaad na Pebrero hanggang Marso ginawa ang survey. Gaya ng dati, nakasaad na nagpakita ng listahan ang survey firm sa mga tao na kanilang tinanong.
Hindi rin malinaw kung sino ang nagpa-survey pero magandang pag-usapan ang mga nakasaad na numero dahil halos hindi naiiba ang resulta nito sa nakaraang survey na ginawa ng kompanya noong Disyembre.
Sa naturang bagong survey, nakasaad na 26% ang nagsabing iboboto nila si Inday Sara kung ngayon gagawin ang halalan. Sumunod si dating Senador Bongbong Marcos na 13%, tig-12% naman sina Senadora Grace Poe at Manila Mayor Isko Moreno, 7% si Vice President Leni Robredo, 6% si Sen. Bong Go at tig-3% sina Sen. Ping Lacson at Rep. Alan Peter Cayetano.
Kung ngayon ang halalan, baka nagtatalon sa tuwa si Speaker Lord Allan Velasco, na balitang tatakbo uling kongresista at muling aambisyunin ang pinakamataas na posisyon sa Kamara de Representantes.
Kilala kaya ni Cong. Velasco kung sino ang mga may pakana at nagkakalat ng “Run Sara Run” posters at nagmo-motorcade? Pero sakaling maging pangulo nga si Inday Sara at manalo ulit na kongresista si Velasco, sabi ng kurimaw natin sa Kamara na hindi naman sure ball si Velasco na magiging Speaker uli.
Lalo na raw kung babalik din sa pagka-kongresista sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang bilyonaryong negosyante na si Manny Villar–na kapwa dating mga speaker din. Kakayanin ba ni Velasco ang “werpa” ng dalawa?
Balik tayo sa presidentialbles, sa 26% na porsiyentong nakuha ni Inday Sara, pinakamalaki ang galing Mindanao na 53%. At kung pagsasamahin naman ang mga numero nina Marcos, Isko at Poe; at kung isa lang sa kanila ang tatakbo, sapat na iyon para makuha nila ang Palasyo.
Hindi naman imposibleng magbigayan ang tatlo dahil mayroon silang mga pinagsamahan. Tulad ng mga Marcos at ang ama ni Grace na si Da King Fernando Poe. Katunayan, noong 2004 presidential elections, si Poe ang ibinoto ng mga Ilocano.
Si Isko naman, balitang hindi tatakbo sa pambansang posisyon kung hindi si Grace ang katambal.
Pagdating kay VP Leni, kahit 7% ang numero niya ngayon, kilala siyang rumeremate sa panahon ng kampanya gaya nang tumakbo siyang vice president noong 2016 na mala-basketball ang panalo na “coming from behind.”
Kaya kung ang tatlong babae lang ang maglalaban, tiyak na magiging matindi ang bakbakan. Kung Luzon ang barwarte ni Grace, Bicol si VP Leni at Mindanao si Inday Sara, ang magiging sentro malamang ng ligawan eh ang–Visayas.
Pero siyempre mga tropapips, magbabago pa tiyak ang mga datos dahil isang taon pa naman bago ang halalan. Katunayan, wala pa sa kanila ang nagsasabing interesado silang tumakbong pangulo sa 2022.
At kung hindi tatakbo ang tres “Marias,” posibleng tatlo hanggang apat na kelot naman ang magsabong sa panguluhan. Sino-sino kaya sa kanila ang aarya: Si Ping kaya, si Isko, si Marcos, si Pacquiao, si Go, o ang wala sa listahan na si Antonio Trillanes?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)