Mukhang maghihiwalay nang maaga mga tropapips ang mga puti sa de-kolor sa relasyon ng Malacanang at Senado dahil sa nakaka-highblood na usapin ng taripa sa imported na karne ng baboy.
Bunga ito ng inilabas na Executive Order 128 ni President Mayor Digong Duterte na dagdagan ang pag-angkat ng karne ng baboy, at ibaba ang taripa nito sa 5% hanggang 20% mula sa kasalukuyang 30% to 40%, na tatagal ng isang taon.
Sabi ng mga mambabatas na tutol sa EO 128, partikular ang mga senador tulad ni Ping Lacson, hindi biro ang mawawalang kita sa gobyerno mula sa naturang taripa na aabot sa P3.6 bilyon.
Sa hirap nga naman ng lagay ng ekonomiya natin ngayon dahil sa pandemic–na kulang na lang pati mga Bumbay na nagpa-5’6 ay utangan na rin ng gobyerno para may maipambili ng COVID-19 vaccine–aba’y napalaking halaga ang P3.6 bilyon.
Pero ang katwiran naman ng pamahalaan, pati na ang Department of Agriculture, kailangan ang dagdag na imported na karne at bawas-taripa dahil kulang na kulang na raw ang suplay natin sa karne ng baboy dahil sa perwisyo ng African Swine Fever sa mga babuyan.
Tanong ng kurimaw nating vegetarian, ano ba ang mas mahalaga: ang magmahal ang presyo ng karne sa merkado o ang mawawalang kita ng gobyerno na napakahalaga ngayon?
Bukod sa pambili ng bakuna, kulang na kulang din ang mga ospital ngayon sa mga pasilidad para gamutin ang mga tinamaan ng COVID. Ang ibang ospital, umaaray din na hindi sila nababayaran ng PhilHealth.
Ang mga health worker natin, idinadaing pa rin ang kakulangan ng PPEs para hindi sila mahawa ng virus, bukod pa sa reklamo nila tungkol sa benepisyo. Kulang din ang contact tracing, isolation facility, pati testing, at kung ano-ano pa.
Samantalang kung presyo naman ng baboy ang iisipin, sa ilang pamilihan eh umabot na mga tropapips sa P400 per kilo ang karne nito. Ang tanong, sino ba ang mahilig sa baboy? Hindi ba puwedeng isda o manok, o gulay muna ang lantakan ng mga tao para iwas-kolesterol pa?
Ang problema nyan mga tropapips, kung tama ang suspetsa ng ilang mambabatas na may nagmamaniobra para magkaroon ng artificial shortage ng baboy, baka pati suplay ng isda at manok eh raketin na rin nila para lang bigyan katwiran talaga ang pag-import ng mas maraming karne ng baboy.
Ngayon, balak ng mga senador na direktang kontrahin ang Palasyo sa pamamagitan ng isang resolusyon na plano nilang ipasa para ipanawagan na iurong o bawiin ni President Mayor Digong ang EO 128.
Kahit daw kasi ipatupad ang bawas sa taripa at damihan ang imported pork, wala pa ring katiyakan na bababa ang presyo ng karne ng baboy sa merkado. Sa totoo lang naman, mas gusto mga Pinoy ang mga bagong katay na baboy kaysa naninigas sa yelong karne ng baboy (o ilado) at hindi pa tiyak paano ginawa sa ibang bansa.
Kaya ang resulta, malamang na kakagatin pa rin ng mga mamimili sa palengke ang mahal na karne ng baboy na mula sa Pilipinas. Baka sa mga grocery o sa mall lang babaha ang iladong baboy pero ang malinaw, P3.6 bilyon ang mawawala sa kita ng gobyerno. Mahiyana naman kayo sa mga taga-Babuyan Island, eh sila mismo hindi naman “nambababoy” sa buhay.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)