Umabot na sa 155 ang bilang ng mga aktibong kaso ng Covid-19 na sa buong probinsya ng Romblon, base sa inilabas na ulat ng provincial epidemiology surveillance unit (PESU) nitong Lunes, April 26.
Ito ay matapos madagdagan ng 28 bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang probinsya ngayong araw.
Sa kanilang talaan, ang bayan ng Looc ang may pinakamaraming kaso at ngayon ay umaabot na sa 77, at sinundan ng Odiongan na may 43.
Ang Ferrol naman na naka-lockdown parin hanggang ngayon ay may 22 aktibong kaso habang ang Alcantara ay may apat.
Ang mga bayan naman ng San Andres, Cajidiocan, at Romblon ay parehong may tig-3 kaso at ang Santa Maria ay isa.
Nakapagtala ang PESU ng 20 pasyenteng gumaling sa virus ngayong araw.
Sa kabuoan, aabot na sa 471 ang naitalang kaso sa buong probinsya kung saan 12 ang nasawi at karamihang kaso ay gumaling na.