Pinasinayan kahapon ni Vice Governor Felix Ylagan sa bayan ng San Jose ang orientation at unang araw ng Emergency Employment para sa 133 indibidwal na tao mula sa pondong ibiniba sa Opisina ni Senator Kiko Pangilinan para sa ibat ibang munisipyo.
Ang nasabing programa ay buhat sa hininging tulong ng opisina ni Vice Governor Felix Ylagan para sa lalawigan ng Romblon.
Ang opisina ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Romblon ang nanguna sa implementasyon ng TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced worker.
Sa mensahe ni Vice Governor Felix Ylagan, sinabi nito na ang bayan ng San Jose ay isa sa bayan na maraming displaced worker sa kadahilanang marami sa mga taga rito ay umaasa sa turismo, isang industriya na lubos na apektado ngayong panahon ng pandemya.
Bilang isa sa naunang bayan sa buong lalawigan na unang nakaranas ng lockdown mula ng matalaga ang kaunaunahang imported na kaso ng Covid-19 at bilang pinaka malayong bayan sa kabisera ng ating Probinsya isa ito sa naging batayan kung bakit napiling ma endorso ang bayan ng San Jose bilang isa sa mga bayan na magpapatupad ng emergency employment.
Samantala, sinabi ni Mayor Ronnie Samson na malaking bagay sa kanilang maliit na bayan ang pagkakaroon ng karagdagang trabaho upang unti unting manumbalik ang sigla ng ekonomiya rito.