Hinihikayat ni Vice Governor Felix Ylagan ang publiko na suportahan ang Covid-19 vaccination program ng pamahalaan lalo na ngayong nagsimula na ito sa probinsya kahapon, March 09.
Sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong Miyerkules kung saan panauhin ang bise gobernador, sinabi nitong handa siyang magpabakuna laban sa Covid-19 at hiniling na paniwalaan ang sinasabi ng mga eksperto.
“Kung ano ang sabi ng science, yun ang paniwalaan natin. Huwag natin paniwalaan ‘yung ibang tao o sa kwento-kwento. Kung sinasabi ng eksperto na kailangan natin magbakuna at ito ay paraan para bumalik sa normalidad ang sitwasyon natin, gawin natin ‘yung part natin bilang mamayan,” pahayag ng bise gobernador.
“Kung Willing ba ako [magpabakuna]? Willing ako. In fact, kahit ano… kahit ‘yung china [vaccine] kung yun ang available. In analogy, kung pupunta ka sa giyera, at least may laban-laban ka kesa wala,” dagdag pa nito.
Aniya, ang vaccination program ay kailangang ng partisipasyon ng iba’t ibang ahensya o dapat whole of government approach upang mahikayat ang publiko na magpabakuna.
“I would encourage all of our constitutients to have themselves vaccinated, in [my] part, ginagawa ko na rin yang [information campaign] kapag nag-iikot ako,” panghihikayat nito sa publiko.