Good shot mga tropapips ang dating ng mga lalaking nahilig sa paghahalaman (“plantito” kung tawagin) muna nang magkaroon ng pandemic. Pero may mga “plantito” na bad shot ang dating at talaga namang nakakainis–sila ang mga bugoy na pulis na ebidensiya ang “itinatanim.”
Kung dati eh sa pelikula o teleserye natin napapanood ang mga eksena na ipinuputok ng pulis sa ere ang baril at pagkatapos eh ilalapag sa napatay o walang malay na kalaban, mantaking ninyong nangyayari pala iyon sa tunay na buhay at may video pa.
Nangyari ang naturang tagpo ng sinasabing “pagtatanim ng baril” sa Valencia, Bukidnon kung saan isang lalaki ang napatay daw sa anti-drug operation dahil… tama kayo mga tropapips–nanlaban!
Sa nag-viral na video, caliber .38 na baril ang ipinutok ng pulis ng tatlong ulit. Hindi ba’t karaniwang caliber .38 na baril ang karaniwang nakukuha sa mga suspek na nanlaban sa war on drugs? Na pinuna rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa kaniyang ulat sa United Nation na madalas daw na hindi naiimbestigahan.
Sa viral video pa rin, matapos iputok ng nakasibilyang pulis ang caliber .38 na baril, nakita sa video na inilagay niya ang boga sa nakabulagtang suspek. At nang magsiyasat ang SOCO, may nakuhang tatlong basyo ng bala ng caliber .38 sa crime scene. Bukod pa siyempre sa basyo ng bala ng baril ng mga pulis na tumodas sa suspek.
Ang mga matatalas na imbestigador na netizens na nabasa ang ulat tungkol sa narekober na tatlong basyo ng bala ng caliber .38, natural na magtataka–iyon ba ang tatlong basyo ng tatlong ipinutok ng pulis? Kung nanlaban ang suspek, bakit tatlo lang ang basyo at hindi man lang umabot sa apat para masabing nakapagpaputok man lang ng kahit isa ang suspek at masabi talagang nanlaban siya.
Puwede naman kasing palabasin na bumunot ng baril ang suspek kaya napilitan ang mga pulis na barilin na siya at inunahan. Ang kaso, bistado ang pagiging “plantito” ng pulis dahil na-video siya na ipinutok niya ang baril na inilagay sa suspek.
Ang nakakatawang paliwanag naman ng isang opisyal ng pulisya sa lalawigan, aba’y sobrang galit lang daw ng pulis kaya ipinutok nito ang baril. Kung talagang nainis lang ang pulis, bakit hindi baril niya ang ipinutok niya? Baka naman nanghihinayang sa bala.
Ang mga ganitong balita eh hindi makatutulong sa pagpapapogi ng PNP lalo na ngayon na sunod-sunod na naman ang mga kinasasangkutan nilang kontrobersiya. Bukod sa puna ng mga senador na inutil sila sa pagsugpo sa riding in tandem criminal, iniimbestigahan din ang mga pulis sa pakikipagbarilan nila sa PDEA.
Hindi pa nga tapos ang isyu sa PDEA, lumabas naman ang isyu ng pagkamatay ng mga aktibistang inaaaresto nila sa Calabarzon dahil daw mga nanlaban din. But wait kapeng mainit–ang pagkamatay ni Calbayog Mayor Ronaldo Aquino, sa mga pulis din isinisisi. Pero depensa ng PNP, may engkuwentro raw na nangyari at hindi ambush.
Bukod pa diyan ang sinasabing palpak na pag-imbestiga ng mga pulis sa nangyari sa flight attendant na si Christine Dacera, at ang ginawang pagratrat ng mga pulis sa apat na sundalo sa Sulu noong nakaraang taon.
Pero sa sinasabing “tanim-baril”, baka wala nang maparusahan dahil namatay daw sa aksidente ang “plantitong” pulis ilang araw matapos mangyari ang umano’y “engkuwentro.
At kapag wala na namang napanagot sa naturang insidente sa Bukidnon kahit ang mga kasamahan niyang pulis at hepe nila, tiyak na lalakas lalo ang loob ng iba pang “plantitong” pulis.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)