Pansamantala munang ititigil ng bayan ng San Jose, Romblon ang pagbibigay ng notice of coordination sa mga non-essential travelers na gustong umuwi sa kanilang bayan galing sa National Capital Region at katabing mga probinsya.
Alinsunod ito sa Resolution No. 104 na inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na nagbibigay ng karagdagang restriction sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Ayon sa inanunsyo ng San Jose Rural Health Unit, mula bukas, March 22, ay hindi na muna sila tatanggap ng mga biyahero na uuwi ng San Jose mula Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal.
Bawal rin muna magbiyahe papunta sa mga lugar na ito ang mga non-essential travelers.
Batay sa bagong resolusyon ang papayagan lamang bumiyahe ay ang mga essential workers, health & Emergency Frontline service personnel, government officials & government frontline personnel, duly-authorized humanitarian assistance team, persons travelling for medical or humanitarian purposes, persons going to the airport for travel abroad, anyone crossing zones for work/business and going back home, at mga returning overseas Filipino at Filipino workers.
Ang bayan ng Odiongan ay maglalabas rin ng parehong kautusan, ito ang kinumpirma ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa PIA-Romblon nitong Linggo ng gabi.
Inaasahang susunod rin sa parehong kautusan ang iba pang bayan sa probinsya.