Maituturing na maayos at mapayapa sa kabuoan ang naging daloy ng pagdaraos ng plebisito para sa panukalang paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya.
Ito ang sinabi ni Director James Jimenez ng Education and Information Department ng Commission on Elections (Comelec) at siyang naatasang tumutok sa gawain.
Sa ulat ng Comelec, natupad ang eksaktong oras ng pagsisimula ng botohan, 7:00 ng umaga noong Marso 13 sa halos lahat ng mga voting centers sa buong lalawigan, maliban na lamang sa isla ng Kalayaan na naantala ang pagdating ng mga gagamitin sa botohan, kung kaya hindi ito nakapagsimula sa itinakdang oras.
Gayunpaman, nairaos ang botohan sa nasabing munisipyo kung kaya matagumpay na nakapag-pahayag ang mga residente sa lugar ng kanilang pagpapasya hinggil sa nilalayon ng plebisito.
Samantala, kinumpirma ni Jimenez ang napaulat na may ilang opisyales ng Barangay Tara sa bayan ng Coron ang inireklamo ng ilang botante matapos na hindi bigyan ang mga ito ng health declaration form na bahagi ng health protocol at isa sa mga kinakailangang dokumentong hinihingi bago bigyan ng balota ang isang botante.
Bukod dito, iniulat din ng Comelec na ilang bangka sakay ang mga guro na nagsilbing plebiscite committee na siyang may bitbit ng mga ballot boxes upang itawid mula sa mga island municipality, partikular sa mga bayan ng Agutaya, Cuyo, at ilang island barangay sa Taytay, ang muntik nang lumubog dahil sa sama ng panahon, subalit agad namang naisalba ng mga awtoridad.
Ayon sa opisyal, bagamat mababa ang turnout ng boto, maayos ang naging daloy ng botohan, kung kaya tagumpay pa rin aniya ang makasaysayang araw na unang botohang nangyari sa panahon ng pandemya dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). (Leila B. Dagot/PIA-Mimaropa)