Inaasahang magbababa ng executive order ang lokal na pamahalaan ng Odiongan upang mahikayat ang mga residente at mga establisimiyento sa bayan na gumamit ng StaySafe.PH app.
Ang StaySafe. PH app ay isang mobile application at digital platform na may mga features tulad ng datus patungkol sa iyong kalusugan, kasama ang social distancing at contact tracing system. Ang nasabing app rin ang pangunahing contact tracing system na gagamitin alinsunod sa Resolution 101 s. 2021 na inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).
Sa bagong kautusan, hinihimok ang mga residente na i-download ang StaySafe.PH app, habang ang mga establisimiyento naman ay kinakailangang maglagay ng QR code sa kanilang mga entry point.
Ang nasabing app ay ginagamit na ng iba pang Local Government Units (LGU) sa ibang probinsya at suportado ng IATF.
Sa panayam ng PIA-Romblon, sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na mahalaga ang paggamit ng app na ito dahil sa halip na manu-manong magsusulat sa logbook ay gagawin na itong digital o magiging contactless.
“Mas magiging efficient ang contact tracing natin kung sakaling may kaso tayong imamanage dahil lahat ng napuntahan ng index case ay nakatala sa digital logbook ng app,” pahayag ng alkalde.
“Lahat ng establishments ay hinihikayat na magkaroon ng StaySafe [app], ayon na rin sa IATF Resolution 101. Kinakailangan ito lalo na ngayong niluwagan ng IATF ang quarantine protocols sa buong bansa,” dagdag pa nito.
Ang pagpapatupad ng bagong patakaran na ito ay pangangasiwaan ng mga contact tracers sa Odiongan.
Maaaring ma download ang StaySafe.PH app sa Apple App Store, Google Play at sa AppGallery ng Huawei.