Nabakunahan na ang aabot sa halos 70% na mga health worker sa buong probinsya ng Romblon, batay sa pinakahuling tala na nakuha ni Dr. Renato Menrige Jr. sa Romblon Provincial Health Office.
Ibinahagi ito ni Dr. Menrige, president ng Romblon Medical Society, sa programang Talakayan sa Romblon News nitong Biyernes ng hapon.
Aniya kabilang sa mga nabakunahan na ang mga hepe ng iba’t ibang ospital, mga resident doctors, consultants, mga nurse, at maging mga emplelyado ng iba’t ibang rural health units.
Nabakunahan na rin ang ilang nasa priority list kabilang ang mga miyembro ng Local Disaster and Risk Reduction Management Office, ilang uniformed personnel, at iba pang staff ng mga ospital sa probinsya.
Ang mga gamot ng AstraZeneca at Sinovac ang nabigay sa mga nabakunahan sa probinsya.
No Serious Side Effect
Ibinahagi rin ng Doctor na wala silang seryosong side effect na naramdaman matapos maturukan ng bakuna ng Sinovac at AstraZeneca.
“Noong mabigyyan ako ng sinovac, ako po ay inantok, [ang ginawa] ‘ko po ay natulog lang, ganun. Pakiramdam ko rin ay parang nauuhaw ako, pero ang kailangan lang ay uminum ng tubig at magpahinga. Sinasabi ko sa kanila, kapag nabakunahan ka ngayong araw, huwag ka gumawa ng maraming trabaho, magpahinga dapat,” ayon sa Doctor.
Sinabi rin nito na ang ilang naramdaman naman ng nabakunahan ng AstraZeneca ay: pagkakaroon ng sinat o mahinang lagnat at pananakit na kasu-kasuan.