Magparehistro ng maaga at huwag sumabay sa last-hour rush upang maiwasan ang siksikan sa mga opisina ng Commission on Elections (Comelec).
Ito ang paalala sa publiko ni Dennis Serveñez, Comelec Officer ng bayan ng Odiongan, ngayong nasa huling anim na buwan na lang ng voter’s registration sa bansa para sa Mayo 2022 National and Local elections.
Nagsimula ang voter’s registration noong Setyembre 1, 2020 at matatapos sa Setyembre 30, 2021.
Ayon kay Serveñez, likas nang mahaba ang pila sa huling araw ng voter’s registration kaya mas mainam aniyang pumunta ng maaga upang makaiwas sa siksikan.
“Pumunta na po kayo habang hindi pa ganun kahaba ‘yung pila. Huwag na nating hintayin ‘yung last-hour rush para tayo ay hindi mainip,” ayon kay Servañez nang makanapayam sa programang Talakayan ng Romblon News Network.
Sinabi pa ni Servañez na alinsunod sa guidelines ng Comelec, sa Marso 22-Abril 4, ang kanilang tanggapan ay bukas Lunes hanggang Huwebes, 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, para sa mga gustong magpa rehistro.
Bukas naman sila hanggang 5:00 ng hapon, sa mga gustong kumuha lamang ng voter’s certification.
Bagama’t itinigil ng ahensya ang satellite registration sa mga barangay hall at daycare center, maari pa rin naman pumunta ang publiko sa kanilang opisina.
Pinapayuhan lamang ni Servañez ang publiko na magdala na ng valid identification card at magsuot ng facemask at faceshield tuwing pupunta sa kanilang opisina.
Isa aniya itong pamamaraan upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).