Patuloy ang isinasagawang canvassing ng resulta ng plebisito sa Palawan na naganap noong Marso 13.
Ang canvassing ay isinasagawa ng Provincial Plebiscite Board of Canvassers (PPBOC) na binubuo nina Comelec-Palawan Provincial Elections Supervisor Atty. Urbano C. Arlando bilang Chairman, Provincial Prosecutor Atty. Allen Ross Rodriguez bilang Vice Chair at Atty. Maricar M. Tan ng Register of Deeds bilang Member. Isinasagawa ito sa session hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
Sa pagsisimula ng bilangan kahapon ng hapon, tanging ang mga Municipal Certificate of Canvass of Votes (MCOCVs) mula sa bayan ng Narra at Brooke’s Point pa lamang ang natanggap at nabilang.
Dahil manual voting at canvassing ang naganap na plebisito kung kaya’t matagal bago makarating sa PPBOC na nasa Lungsod ng Puerto Princesa ang mga resulta mula sa mga malalayong munisipyo ng Palawan.
Ayon kay Jomel Ordas, tagapagsalita ng Comelec-Palawan, ang masamang panahon na naranasan sa Palawan ang isa pang dahilan kung bakit naantala ang resulta ng plebisito. Aniya, may insidente pa na muntik malubog ang mga bangka na sinsakyan ng mga miyembro ng plebiscite committee sa Cuyo at Agutaya.
Ngayong araw naman ay ipinagpapatuloy ng provincial plebiscite board of canvassers ang pagbibilang ng mga boto mula sa mga MCOCV nang iba pang munisipyo sa Palawan na dumating kagabi. Ang mga ito ay mula sa El Nido, Aborlan, Sofronio Espanola, at Rizal.
Inaasahan ng Comelec na matatapos bukas at maideklara kung botong ‘No’ o ‘Yes’ ang nanalo sa plebisito.
Ang plebisito sa Palawan ay kaugnay ng Republic Act 11259 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Abril 5, 2019 na maghahati sana sa Palawan bilang tatlong probinsiya. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA)