Iprinoklama na ng Provincial Plebiscite Board of Canvassers kahapon ng hapon, sa pangunguna ni Comelec-Palawan Provincial Election Supervisor Atty. Urbano C. Arlando, ang pagkakapanalo ng botong ‘No’ o ‘Hindi’ sa naganap na plebisito sa Palawan na ginanap noong Marso 13.
Sa 297,728 botante sa Palawan na lumabas at bomoto mula sa 22 munisipyo, nakakuha ang ‘No’ o ‘Hindi’ ng kabuuang boto na 172,304.
Samantala, nakakuha naman ang ‘Oo’ o ‘Yes’ na boto ang kabuuhang 122,223 na mas mababa ng 50,081 ang bumoto sa ‘Hindi’ o ‘No’.
Dahil sa pagkakapanalo ng botong ‘No’, mananatiling isang lalawigan pa rin ang Palawan at maiisantabi na lamang ang Republic Act 11259 na hangad sanang mahati ang Palawan sa tatlong probinsiya na tatawaging Palawan del Sur, Palawan Oriental at Palawan del Norte.
Napagkasunduan ng proponent ng 3-in-1 at opponent na One Palawan na ideklara na ang nanalo sa plebisito kahit hindi pa dumating ang Municipal Certificates of Canvass of Votes (MCOCV) mula sa Bayan ng Kalayaan dahil hindi na umano ito makakaapekto sa resulta ng plebisito.
Sa unofficial results ng plebisito sa Kalayaan, mula sa kabuuang 218 botante dito, 41 ang bomoto ng ‘No’ at 20 naman ang bomoto ng ‘Yes’.
Ayon ta tala ng Comelec-Palawan, nasa 60.72 porsiyento ang mga botanteng bomoto sa plebisito mula sa kabuuhang 490,358 rehistradong botante ng 22 munisipyo sa Palawan. (Orlan C. Jabagat/PIA-Mimaropa)