Nakompleto nang mabakunahan ng Covid-19 vaccines gawa ng British-Swede pharmaceutical firm na AstraZeneca ang 97% na mga health workers ng ISIAH Hospital and Medical Center sa Odiongan, Romblon.
Ito ang magandang balitang ibinahagi ng founder nito at kasalukuyang bise alkalde ng bayan ng Odiongan na si VM Diven Dimaala.
Aniya, sa 74 na mga health workers rito, 72 ang nakapagpaturok ng bakunang gawa ng Astrazeneca habang ang 2 ay hindi naturukan dahil sa personal na mga rason.
Malusog naman umano ang 72 na naturukan kahit nakaramdam ng kaunting side effect gaya ng panghihina ng katawan, panlalamig at pananakit ng kasukasuan.
Sinabi ng bise alkalde na bilang frontliner, halaga na mabakunahan sila upang maging handa sa pagharap at pag-alaga sa mga pasyenteng posibleng may dalang Covid-19 virus.
Ito rin ay para masiguro na ligtas silang uuwi sa kanilang mga bahay pagkagaling sa ospital at hindi makahawa ng mga kamag-anak.
March 16 nang magsimula ang vaccination roll-out ng Astrazeneca sa nabanggit na ospital kasabay ng ibang ospital sa probinsya.