Aabot sa 125 na mga Romblomanon na nagtapos sa iba’t ibang kurso sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang nabigyan ng toolkits ngayong Martes, March 23.
Ayon kay Engr. Amir Ampao, Provincial Director ng TESDA-Romblon, ang mga makakatanggap ng toolkits ay mga nagtapos sa Special Training for Employment Program (STEP) noong 2019 ngunit ngayon lang mabibigyan ng toolkits matapos magkaproblema sa bidding. Ang naipamigay na toolkits ay bahagi ng 51,205 packages para sa 2019 STEP na ipamamahagi ng TESDA sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Engr. Ampao na ang mga sumabak sa training mula sa TESDA ay maaring makapagsimula na ng negosyo sa tulong na rin ng ipinamahagi nilang toolkits.
Ilan sa mga nakatanggap ng toolkits ay mga PDL o persons deprived of liberty ng Odiongan District Jail, mga benepisyaryo ng certificates of land ownership award (CLOA) ng Department of Agrarian Reform at mga residente ng Odiongan, Ferrol, at San Agustin. Nagtapos sila sa kursong Hilot/Massage, Bread Making, Cake Making, Tile Setting NC II, at Carpentry NC II.
Samantala, masaya naman itong tinanggap ng mga benepisyaryo ng programa.
Sa pasasalamat na mensahe ni Joseph Galos, isa sa mga naakatanggap ng toolkits para sa bread making, malaking tulong umano ang training at ang binigay na toolkits para sa pagsisimula ng kanilang maliit na negosyo.
Nagsanay si Galos sa paggawa ng tinapay habang siya noon ay nakapiit sa Odiongan District Jail.
Paliwanag niya, habang nasa piitan umano siya ay hindi nagsawa ang mga tauhan ng TESDA sa pagbisita sa kanila at pagbibigay sa kanila ng mga training na siyang nakatulong naman sa kanilang pagbabagong buhay.
Batay sa datus ng TESDA, aabot sa 200 katao ang naging bahagi ng 2019 STEP ng TESDA na pinondohan gamit ang congressional fund ni Congressman Eleandro Madrona.