Malamang na parang mga apisyonadong natalo sa boksing ang mga tagasuporta ni dating senador Bongbong Marcos nang mabalitaan nila ang desisyon ng mga “hurado” na ang “winner by unanimous desicion!”… Vice President Leni Robredo!
Ang tinutukoy natin mga tropapips ay ang naging desisyon ng mga mahistrado ng Supreme Court na umupong Presidential Electoral Tribunal (PET), na nagsilbing “hurado” sa electoral protest na isinampa ni Bongbong sa pagkapanalo ni VP Leni noong 2016 elections.
Sabi ng mga hurado, este mahistrado, walang merito ang protesta ni Bongbong kaya ibinasura na nila matapos ang halos limang taon na magdinig.
Konting rewind tayo ng “bakbakan” ng dalawa. Kumbaga sa boksing, mas marami ang pinakawalang suntok ni Leni kay Bongbong na lumamang ng 263,473 kaya nanalo ang “Yellow” corner.
Pero parang sinasabi ni Bongbong na hindi naman talaga tumama ang mga suntok. In short, nagkaroon daw ng dayaan sa proseso ng electronic voting, at maging sa bilangan sa ilang lalawigan.
Kaya umapela siya sa mga “hurado” para panoorin uli ang “laban.” Iyon nga lang, mahirap nga naman yatang sabihin na pumalpak ang halalan nang 2016 dahil iisipin ng iba na ang ibig sabihin eh palpak din ang pagkapanalo ng ibang kandidato tulad ni President Mayor Digong Duterte at ang 12 senador.
Bukod doon, ang “suntok” o boto mula tatlong lalawigan na sinasabi ng kampo ni Bongbong na nagkaroon nang dayaan, aba’y nang magkaroon ng mano-manong recount eh lumabas pa na nadagdagan ng 15,000 ang boto ni Leni.
Puwedeng sabihin at baliktarin ng kampo ni Bongbong ang katwiran na kung may pagbabago sa mga boto sa tatlong lalawigan na ipina-recount nila, maaari ding nagkaroon ng pagbabago sa iba pang lalawigan na baka pabor na sa kanila o kaya naman ay indikasyon talaga na palpak ang sistema ng botohan.
Iyon nga lang, puwede naman ikatwiran ng kampo ni VP Leni, na kung nagkaroon nga ng mga pagkakamali sa iba pang lalawigan, posibleng madagdagan pang muli ang boto niya.
Pero hindi lang ang mga tagasuporta ni VP Leni ang palakpak tenga sa desisyon ng mga hurado, masaya rin ang mga taga-Mindanao tulad ni Basilan Congressman Mujiv Hataman dahil lumilitaw na walang basehan ang alegasyon ng kampo ni Bongbong na nagkaroon din ng dayaan sa kanilang lalawigan, pati na sa Lanao del Sur at Maguindanao.
Ang kagandahan lang sa ginawang ito ni Bongbong, aba’y talagang tinapos niya ang laban o ang protesta–talo nga lang. Kung tutuusin, puwedeng iurong na niya ang protesta at tumakbo siyang senador noong 2019 at malaman na may pag-asa siyang manalo.
At ngayon na isang taon na lang eh presidential election na naman, puwedeng humirit ng “rematch” si Bongbong sa 2022. Kung anong posisyon na tatakbuhan ni Leni, takbuhan din niya.
Ang problema nga lang kapag nagwakwakan sa kampanya ang dalawang kandidato na nag-aakalang sila ang “man o woman to beat,” nakakalimutan nila na may iba pa silang kalaban at iyon ang nananalo.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)