Nanawagan rin ang Sangguniang Panlalawigan ng Romblon at ang 9 na mayor ng Tablas Island sa Energy Regulatory Commission (ERC) na bigyang solusyon ang posibleng mangyaring power crisis sa isla ngayong buwan.
Kasunod ito ng pinadalang sulat sa kanila ng Suweco Tablas Energy Corp. (STEC) na magbabawas sila ng operasyon sa Tablas Island sa darating na February 15 kung walang mabibigay na solusyon ang ERC sa kanilang hinaing.
Sa resolusyon na inaprubahan ng provincial board noong Martes, hiniling nila na bigyan ng maagang resolusyon ang power rate petition ng STEC.
Samantala, sinabi naman ng mga alkalde ng Tablas Island na may parehong hinaing rin kay ERC chair Agnes Devanadera na sa panahon ngayong may kinakaharap na pandemya ang bansa, mas kinakailangan ng publiko ng stable at reliable na power supply para mas epektibong maiiwasan ang pagkalat ng virus.
Kabilang sa mga pumirma na alkalde ay sina Riza Pamorada ng Alcantara; Marietta Babera ng Calatrava; Jovencio Mayor, Jr. ng Ferrol; Lisette Arboleda ng Looc; Lorilie Fabon ng Sta. Maria; Arsenio Gadon ng San Andres; Esteban Madrona ng San Agustin; Elsie ng of Santa Fe; at Trina Alejandra Firmalo-Fabic ng Odiongan.
Maalalang, nauna ng naglabas ng panawagan si Congressman Eleandro Madron noong nakaraang linggo.