Hinihikayat ng mga Doctor sa lalawigan ng Romblon ang publiko na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) kung sakaling magsimula na ang vaccination sa probinsya.
Ayon kay Dr. Renato Menrege Jr., President ng Romblon Medical Society at miyembro ng Provincial Inter-Agency Task Force – Technical Working Group (TWG), ang mga bakuna na inaprubahan ng Food and Drug Administration at ng World Health Organization ay ligtas at epektibo.
Aniya, mahalaga ang mabakunahan para umano maabot ng Pilipinas ang tinatawag na herd immunity, tawag kapag ang isang malaking bahagi ng populasyon ng isang lugar ay immune sa isang tiyak na sakit.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong Martes, February 23, ipinaliwanag ng Doctor na ang bakuna laban sa Covid-19 ay hindi protection laban sa virus kundi ito ay gamot para hindi magkaroon ng severe symptoms ang tatamaan ng virus.
“Lagi po nating tatandaan, looking at the vaccines. The vaccines is not a protection from not getting the disease, it is a prevention of having the severe disease and the death. Ibig lang niyang sabihin, hindi porke nabakunahan ka, hindi kana magkakasakit. Hindi ka lang magkakaroon ng severe symptons na magreresulta sa pagkamatay,” paliwanag ng Doctor.
Halimbawa nito, kung ang isang pasyente na nabakanuhan na pero tinamaan ng Covid-19 at nagkaroon ng mild symptoms, tapos nahawaan ang mga kasama nito sa bahay na walang bakuna, posibleng magkaroon ng severe symptoms ang mga nahawa nito na posibleng maging resulta sa pagkamatay kaya umano mahalaga na mabakunahan ang lahat.
Samantala, sinabi rin ng Doctor na mahalaga na makita ng publiko ang mga local authorities na nababakunahan para makapaghikayat at maipakita sa tao na ligtas ang virus.
Inaasahang magpapatuloy ang mga information campaign na ilalatag ng Department of Health at ng Provincial Health Office kasama ang mga Rural Health Unit sa iba’t ibang lugar sa probinsya upang mahikayat ang publiko na magpabakuna laban sa Covid-19.