Naghahanda na ang Provincial Government ng Romblon at ang Provincial Health Office sa pagdating sa probinsya ng mga bakuna laban sa Covid-19.
Sa Kapihan sa PIA-Romblon nitong Martes, February 23, sinabi ni Dra. Ederlina Aguirre, Provincial Health Officer, na naglaan na ng pondo si Governor Jose Riano para sa paghahanda sa vaccination kagaya ng pambili ng mga refrigerators na pag-iimbakan ng mga COVID-19 vaccines.
Ayon kay Aguirre, ang mga bayan ng San Agustin at San Jose ay handa na para sa simulation ng Covid-19 vaccination dahil sila umano ay nakapag-purchase na ng mga refrigerators at generator sets para sa kanilang mga cold chain management facility.
Kaugnay parin sa vaccination, aabot na umano sa 200 na vaccination sites sa buong probinsya ang natukoy ng mga lokal na pamahalaan kung saan tutungo ang publiko para magpabakuna.
Kabilang sa mga natukoy na vaccination sites ang mga ospital, rural health unit building, mga barangay health facility, at ilang piling paaralan na may malawak na espasyo.
Base sa priority list ng Provincial Health Office, unang tuturukan ang mga health worker at susundan naman ng mga Senior Citizens, Indigents at mga Uniformed Personnel.
Target ng mga Rural Health Unit sa buong probinsya na makapagturok ng bakuna sa aabot sa 100 katao sa loob ng isang araw.