Naglunsad ng bagong programa ang Department of Science and Technology – MIMAROPA kamakailan upang makatulong sa mga Overseas Filipino Workers na gustong mag tayo ng negosyo.
Tinawag itong I-FORWARD PH o Innovations for Filipinos Working Distantly from the Philippines na naglalayong mabigyan ng oportunidad ang mga OFW na makapagtayo ng negosyong technology-based.
Maaaring sumali sa programa ang mga umuwi ng Pilipinas sa huling tatlong (3) taon at walang kasalukuyang kontrata sa ibang bansa. Kung may kontrata man ay mayroong isang miyembro ng pamilya na makapagpapatuloy ng pag-aaral, pagtatag, at pamamahala ng negosyo. Kung ang aplikante ay may kapansanan o kailangang bumalik sa ibang bansa para magtrabaho, dapat maipagpatuloy ng kapamilya ang mga naiwang sesyon ng programa.
Upang maging kwalipikado bilang isang technology-based na negosyo, dapat magkaroon ito ng aspeto ng agham at teknolohiya.
Kabilang sa mga prayoridad na sektor ay ang food processing, furniture making, gifts, housewares, decors, agriculture, marine at aquatic resources, metals at engineering, health at pharmaceuticals, ICT/Electronics, at S&T o Science and Technology Services.
Kung mayroon nang naisip na negosyo, maaari mong ipakita ito kasabay ng pagpasa ng aplikasyon. Sa kabilang banda, kung wala pang naiisip na negosyo, maaari ka pa ring mag-apply at pag-aralan ang mga teknolohiya mula sa ahensya.
Para sa mga interesadong sumali, maaaring pumunta sa website link na ito: bit.ly/IFWDPH.
Maaari ding tumungo mismo sa pinakamalapit na Provincial Science and Technology Center sa inyong lugar. Para sa karagdagang katanungan, bumisita sa Facebook page ng DOST-MIMAROPA o tumawag sa numerong 8837-3755 o magpadala ng email sa official@mimaropa.dost.gov.ph.