Upang makatulong sa mga magsasakang naapektuhan ng pandemyang dulot coronavirus disease 2019 o Covid-19, naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Alcantara ng programa para sa backyard gardening na tinawag nilang ‘May Pag-asa sa Pagsasaka’.
Ayon kay Mayor Riza Pamorada nang ito ay makapanayam ni Assistant Secretary JV Arcena sa Laging Handa Briefing News, isa itong programa na nabuo noong nakaraang taon habang nasa ilalim ng Enhance Community Quarantine (ECQ) ang bayan.
“Sa gitna ng pandemya, sinisikap namin na ang aming mga mamayan ay maging ‘resilient’, kahit hirap sa buhay ay may maihahain parin sa mesa,” turan ng alkalde.
Aniya, isinabay nila sa pamamahagi ng mga food packs noong nasa ilalim ng ECQ ang bayan, ang mga vegetable seeds na siyang itatanim ng pamilyang nabigyan ng mga food packs.
Ilan sa mga binhi na naipamigay ay mga okra, kalabasa, at iba pang gulay.
Bilang pagpapatuloy ngayong 2021 ng nabanggit na programa, nagtayo ng Municipal Nursury, Vermicomposting Facility at Mushroom Production Facility ang lokal na pamahalaan para sa kanilang mga magsasaka.
Maliban sa pamamahagi ng binhi, nagsasagawa rin ng mga literacy program ang lokal na pamahalaan sa kanilang mga barangay.
“Meron rin po kaming Farmer’s literacy program, in partnership with Landbank and Romblon State University. Layunin nito na mas mapaigting ang kaalaman ng ating mga magsasaka,” pahayag ni Mayor Pamorada.
“Hinihikayat talaga namin ang mga local producers namin na maibaba ang kanilang mga produkto tuwing may market day [sa aming bayan]. Sabi ko nga, sa pagsasaka may pagasa,” dagdag pa ng alkalde.