Nagpasalamat si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa mga espeyalista na kasama ng pamahalaan sa pagpapaliwanag sa mga kababayan hinggil sa vaccine roll-out program.
Sa programang “Laging Handa Public Briefing” kaninang umaga, hinikayat ni Secretary Andanar ang mga kababayan na magtiwala sa bakuna kontra Covid 19 at magpabakuna.
Idinagdag pa ng Kalihim na makikita sa ibayong dagat na maraming nagpabakuna at bibihira ang mga naiuulat na problema.
Kaugnay nito, nakatakda sa Biernes, ika-23 ng Pebrero mula ika-9 ng umaga hanggang tanghali, idaraos ang Mimaropa Virtual Town Hall Meeting.
Nilalayon nitong pagtibayin ang wastong kaalaman ng mga health worker at maging ng mga lokal opisyal hinggil sa gagawing pagbabakuna sa rehiyon.
Si Infectious Disease Specialist Antonio Miguel Dans MD ng UP PGH ang tatalakay sa vaccine safety and efficacy samantalang si Dr. Marion A. Kwek, ang chairperson of the Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases Inc – Health Education Committee ang magpapaliwanag sa paksang vaccine mechanism of action and evidence.
Ilalatag naman ni Food and Drug Administration Southern Luzon Cluster Head Director Arnold Alindanda prosesong ginawa sa pamimili sa bakuna at si Dr. Maria Carmela Kasala, ang dating pangulo ng Philippine Society of Allergy Asthma and Immunology, ang hahawak sa paksang Covid-19 vaccine and adverse reactions.
Sasama din sa resource person panel si Regional Field Office IV-B Supervisor Ms Luzviminda Atienza.
Para makasali sa town hall meeting, inaanyayahan ang mga healthworkers at mga lokal opisyal na sumulat sa covid19vaccinequestion@gmail.com. Maaari ding mapanood sa mga Facebook pages ng DOH Mimaropa at PIA Mimaropa ang naturang town hall meeting. (Lyndon Plantilla/PIA-Mimaropa)