Nailigtas ng mga tauhan ng Corcuera Municipal Police Station sa dagat na sakop ng Corcuera, Romblon ang isang mangingisda mula Quezon Province na dalawang araw ng naulat na nawawala.
Kinilala ang mangingisda na si Manuel Balsabas Risaba, 33, residente ng Don Juan Vercelos, San Francisco, Quezon.
Ayon sa report ng Corcuera Municipal Police Station, nakatanggap sila ng ulat mula sa barangay officials ng Barangay Alegria na di umano ay may lalaking nakitang sakay ng bangkang palutang-lutang lamang sa laot malapit sa kanilang barangay kaya agad nila itong tinulungan.
Kwento ni Vercelos, nasira ang kanyang bangka kaya nawalan siya ng kontrol hanggang sa dalhin ng malalakas na alon sa isla ng Simara.
Agad naman itong dinala sa police station kung saan siya tinulungan at pinakain. Kinontak na rin ang pamilya ng lalaki sa Quezon para ipaalam na ligtas na ito.
Inaasahang ibabalik rin ito ng Quezon sa susunod na mga araw.