Nanatiling walang kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bayan ng Alcantara sa Tablas Island, Romblon at itinuturong susi ng lokal na pamahalaan ang mahigpit nilang pagpapatupad ng tamang pamamaraan ng pag-quarantine.
Sa Laging Handa Briefing News nitong Martes, sinabi ni Alcantara Mayor Riza Pamorada na lahat ng umuwing Locally Stranded Individual o LSI at Authorized Persons Outside Residence (APOR) ay dumadaan sa 14-araw na quarantine facility, dahilan kung bakit hindi nakakalusot ang virus sa kanilang lugar.
Magmula sa pantalan kung saan bababa ang isang indibidwal, susunduin ito ng sasakyan ng lokal na pamahalaan at diretsong dadalhin sa quarantine facility.
Kinakailangan rin aniya na mayroong negatibong resulta sa rapid diagnestic test at sa antigen test ang mga uuwing LSI habang negatibo na resulta sa Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) naman ang kailangan ng mga uuwing OFW.
Ang mga quarantine facility naman ng bayan ay mahigpit na binabantayan ng mga opisyal ng barangay at ng mga Barangay Health Emergency Response Teams upang hindi malapitan ng mga kamag-anak ang isang naka-quarantine na indibidwal.
Simula nang payagan ng gobyerno na umuwi ang mga LSI kasunod ng pagbaba sa probinsya ng Romblon mula sa Enhanced Community Quarantine patungo sa Modified General Community Quarantine, aabot na sa 1,461 na mga LSI ang umuwi sa kanilang bayan.
Ngayong may bagong kautusan ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kaugnay sa mga APOR. Inaasahang hihigpitan ng lokal na pamahalaan ang pagbabantay sa mga ito para masiguradong ang gagawin lamang ng mga APOR sa kanilang bayan ay kung ano ang iniatas sa kanila ng kanilang opisina.
“Kailangan may proper coordination po [ang mga APOR] sa bawat munisipyo at kailangan na ilabas ang kanilang mga itinerary para alam talaga namin kung official business talaga ang pagpunta nila. Hindi dito kasama ang pagpunta sa mga restaurants, or kung saan pa mang gatherings na hindi nakasulat sa kanilang mission order,” pahayag ng alkalde.