Malamang na hilong-talilong ngayon mga tropapips ang mga nasa likod ng “pampapogi” image ng COVID-19 vaccine ng Sinovac ng China dahil sa lumabas na pag-aaral na 50 percent lang at hindi 70 percent ang bisa ng gamot gaya ng unang mga napaulat.
Ang naturang datos eh batay sa stage 3 clinical trial na ginawa daw ng Brazil na isa sa mga bansa na may pinakamaraming kaso ng COVID sa mundo. Kaya naman tiyak na maraming tao doon ang naturukan ng bakuna ng China na pinagmulan ng pesteng COVID-19 na nagpapahirap sa napakaraming tao sa mundo.
Aba’y hindi biro mga tropapips ang inilabas na datos ng Brazil dahil tiyak na mapapaisip at mapapakamot sa singit ang mga bansang bumili na ng bakuna ng Sinovac at itinurok na sa mga kababayan nila tulad Malaysia at Singapore.
Pero natural na hindi papaboran ng China at kompanyang nasa likod ng bakuna ang naturang sinabi ng Brazil.
May kasunduan na ring pinasok ang Pilipinas para sa naturang bakuna 25 milyon doses na kompletong maibibigay ngayong 2021. Pero 50,000 doses ang sinasabing unang bagsak ngayon Pebrero, na inaasahang unang ituturok sa mga medical frontliners.
Ang tanong ngayon ng kurimaw nating atat nang matapos ang pandemic, sapat na ba ang 50 percent na proteksiyon lalo na sa mga medical frontliner na nakakasalamuna ang mga pasyenteng may COVID?
Kung paninda siguro ‘yan na 50 percent bagsak-presyo, ok na ok, pero kung 50 percent na bisa lang para hindi ka madapuan ng nakamamatay na virus, aba’y isip-isip muna. Lalo na kung may iba namang bakuna na mas mura at mas mataas ang bisa–iyon nga lang, galing sa ibang bansa na hindi “paborito” ng ilang opisyal sa gobyerno.
Katunayan, magkano ba talaga ang presyo ng Sinovac na nakuha ng gobyerno? Si Senate President Tito Sotto, nagtataka rin kung bakit ayaw sabihin ng mga opisyal sa publiko ang presyo ng Sinovac, na batay sa mga naglalabasang ulat ay ikalawa o ikatlong pinakamahal sa mga COVID-19 vaccine.
Ang idinadahilan ng mga opisyal ng gobyerno, mayroon daw kasunduan sa China na hindi nila puwedeng isapubliko ang presyo ng gamot. Aba’y parang tawaran pala ng isda sa palengke sa Navotas ang Sinovac na “bulungan” at sikreto ang presyuhan.
Kaya lang, may duda na ngayon ang mga tao sa bisa ng Sinovac, ngayon eh madaragdagan pa sa presyo ng bakuna. Alam naman natin na maraming kababayan tayo na laging “tama” [tamang hinala] na baka nagkakaroon ng “sipang paatras” sa pagbili ng mga bakuna lalo pa’t marami ang nag-iipon ng pondo para sa 2022 elections.
Kung government to government ang transaksiyon at maramihan ang bili, inaasahan naman na makaka-discount ang bibili, pero kung talagang malaki ang natipid dito ng gobyerno, hindi ba’t dapat nila itong ibida sa publiko? At sa wakas nag-sorry si Sec Galvez kay senador Panfilo “Ping” Lacson, as in inamin ang pagkakamali.
Iyon nga lang, kahit maka-50 percent discount sa gamot, sulit na ba iyon kung 50 percent din lang ang bisa? At sinasabing mga pasyenteng may “mild” na sintomas lang ang protektado? Papaano yung sa “severe” at critical?
Dapat eh umayos-ayos din itong World Health Organization (WHO). Sabi kasi nila, “oks na” ang bakuna na 50 percent ang bisa kesa walang proteksiyon. Siguro eh puwede ang “puwede na” kung walang ibang pagpipilian. Pero kung may ibang nakagawa ng gamot na 70 hanggang 90 percent ang bisa, dapat iyon ang irekomenda nila lalo na kung pareho rin lang ang presyo o kaya naman eh mas mura.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)