Kung ang kurimaw natin na hindi nagtago sa mga inaanak nitong nakaraang Pasko ang tatanungin mga tropapips, sinabi niyang kung hindi ibibigay nang libre, hindi dapat bilhin ng anumang bansa ang kontra-COVID-19 na bakuna na manggagaling sa China.
Dahil sa COVID pandemic, ipinagbawal na huwag munang magbahay-bahay at mamasko ang mga inaanak sa kanilang mga ninong at ninang nitong nagdaang Pasko. Kaya ang kurimaw natin, nanibago raw dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay siya ang pinagtaguan ng kaniyang mga inaanak.
Kaya tulad ng tradisyon, hindi naiwasan ng kurimaw natin maging sentimental sa ginagawa niyang pag-iisip taon-taon kung papaano pagtataguan ang kaniyang mga inaanak. Ang lahat ng sisi, ibinato niya sa China na pinagmulan ng COVID-19 virus.
Naniniwala kasi ang kurimaw natin na baka naiwasan ang pagkalat ng virus sa buong mundo kung hindi lang naging “masikreto” ang China, at kung kaagad silang gumawa ng hakbang para lunasan ang virus. Marahil mga tropapips ay nababasa rin ng kurimaw natin ang mga “conspiracy” theory na baka sinadyang likhain ang virus sa laboratoryo hanggang sa kumalat sa labas–o sadyang ikalat sa labas.
May mga malilikot mag-isip na naghihinala posibleng sinadya ang pagkalat ng virus at ipadala sa mga mauunlad na bansa gaya ng Amerika, Britanya at Japan para pahinain ang kanilang ekonomiya. Kasama rin sa mga paghihinala na baka may nakahanda na talagang pangontra rin ang China sa COVID na kung sa kanila nga naman bibili ang gamot ang mundo, siyempre tiba-tiba sila at lalong aangat ang kanilang ekonomiya habang lumpo ang iba.
Kaya ang hirit ng ating kurimaw, kung talagang inosente at humihingi ng paumanhin ang China sa pagkalat ng virus na nagmula sa Wuhan, na kumitil ng daan-daang libong buhay, nagpa-ospital sa milyon-milyong tao, at nagtulak sa milyon-milyon pa sa kahirapan, aba’y dapat nilang ibigay ang anumang bakuna nila na kontra-COVID nang libre–o kung hindi man libre, ang singilin na lang nila sa mga bansang padadalhan nila ng bakuha eh “delivery” at “storage” fee na lang na parang pag-order sa internet.
Mantakin niyo naman mga tropapips, sa kanila na nanggaling ang virus, aba’y payayamanin mo pa sila sa kanilang gamot? Para bang mag-jowa na sinaktan ka na, ibinili mo pa ng regalo. Hindi naman siguro tayo ganung ka-in love sa China na nang-agaw din ng mga teritoryo natin sa West Philippine Sea. Ang ibang mga bansa, hindi natin alam kung in-love sila sa China.
Ang kaso, hindi man aprubado ng ating Food and Drugs Administrations (FDA) ang mga bakuna ng China, parang may mga “endorser” na sila sa Pilipinas katulad ng Presidential Security Group na sinasabing nagpabakuna na. Katunayan, may ibang Pinoy na rin daw na nagpaturok ng bakuna ng China na patago.
Isang taon mula nang unang maibalita ang virus mula sa Wuhan, may mga ulat nagsasabing halos balik na sa normal ang buhay ng mga tao doon na puwede na uling mag-live party. Habang ang napakaraming bansa na kanilang hinawahan ng virus [kabilang ang Pilipinas], patuloy na naglalakad at bumibiyahe ng naka-face mask at face shield, at parang laging may anting-anting na dala–ang alcohol.
Ngayon taon nga, masusubok ang pananampalataya ng mga deboto ng Itim na Nazareno at Sto Nino dahil bawal ang pahalik at prusisyon, at wala ring fiesta–walang libreng tsibog at toma.
Ang masaklap pa nito, hindi pa nga tapos ang problema sa “top of the line” variant ng COVID-19, may bagong uri pa ngayon ng COVID-19 na mas matindi raw makahawa pero mas mahina naman ang dulot na sakit. Papaano kaya kung magkaroon ng bago pang variant na mas mabilis kumalat at mas matindi ang epekto?
Hindi lang naman ang China ang mayroon nang bakuna laban sa COVID-19, ang iba nga eh mas mura pa. Pero kung gusto talaga ng China na makabawi sa naging pagkalat ng virus na nanggaling sa kanila, at nais nilang ipakita sa mundo na hindi “puro kita” ang nasa isip nila, mas makabubuti kung ipamimigay nila ng libre o lowest price ang bakuna–kung talagang may bisa. Pero kung hindi, i-add to cart na lang muna ang bakuna nila.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)