Maraming kurimaw natin mga tropapips na mahilig sa computer games ang atat na atat noon na matapos na ang 2020 dahil inakala nilang “reset” na ang lahat kapag pumasok na ang 2021.
Pero nalungkot ang mga damuho nang pumasok na ang 2021 dahil napagtantano nila na iba ang tunay na buhay kumpara sa mga ginagawa natin sa computer na puwedeng reset, pause, rewind, fastforward at iba pa.
Aminin man natin sa hindi, marami ang umaasa na pagpasok ng 2021 eh matatapos na ang bangungot na likha ng COVID-19 mula China. Yung tipong dadagsa na ang bakuna at sa kalagitnaan ng Enero eh makakatanggap na tayo ng mga balita na itong bansa ito eh nawawala na ang virus at bumalit na sa normal ang kanilang buhay.
Kapag ganoon kasi ang nangyari, natural na mabubuhayan din ng pag-asa ang iba pang bansa na may solusyon na sa virus at talagang mabisa ang bakuna para makapagtrabaho at malaya na muling makapaglawatsa ang mga tao nang walang ginagawang swab test at quarantine.
Pero in your dreams lang pala mga tropapips.
Kasi, ang ibang bansa na nagsimula na ang bakuna gaya sa Amerika, Europa at Britanya, patuloy na sumasakit ang ulo nila dahil dumadami pa rin ang kaso ng COVID at nagkaroon pa bagong variant na mas nakakahawa. Ang resulta, napupuno ng apsyente ang kanilang mga ospital, at nagpapatupad sila sa iba’t ibang lugar ng hard lockdown para mapigilan ang pagdami pa ng kaso.
Sa atin sa Pilipinas, inaasahan na tataas din ang kaso ng virus dahil sa nagdaang holiday season, at mga nagaganap na kapistahan–lalo na doon sa mga lugar na maraming pasaway.
Ang masaklap pa nito, wala pa rin tayong bakuna at sa Pebrero ay inaasahan na may darating na 50,000 doses ng bakuna mula naman sa kompanya ng China na mahina ang tiwala ng mga tao–ang Sinovac.
Para makuha siguro ng pamahalaan ang tiwala ng mga tao sa Sinovac na pangalawa sa pinakamahal at sinasabing 50 percent lang ang bisa, dapat unang magpaturok nito ang mga opisyal ng gobyerno na atat at pursigidong makuha ang bakuna–lalo na si Health Secretary Francisco Duque III.
Pero dapat “transparent” kung magpapabakuna ang mga opisyal ng Sinovac. Kailangan tiyakin na Sinovac nga ang ituturok sa kanila at hindi ibang brand gaya ng Pfizer, Moderna at Astrazeneca.
Baka nga naman magkagulangan at magkaroon ng “switch” sa bakuna dahil may mga ulat na bumili ang China ang 100 million doses ng Pfizer vaccine. Kung totoo ang ulat, bakit nga ba bumili ang China ng Pfizer vaccine habang ang sarili nilang bakuna ng Sinovac ang pinag-interesan ng mga opisyal natin kahit mahal?
Ang mga lokal na opisyal tulad sa Metro Manila, naglaan na rin ng kani-kanilang pondo para makabili ng bakuna na ituturok sa kanilang mga kababayan. Ang target nilang bilhin, ang mas mataas na efficiency rate at mas mura na Astrazeneca.
Kapag nagkataon na nagtagumpay ang mga lokal na opisyal na makakuha ng mga bakuna ng Astrazeneca na inaasahan magdaratingan sa unang bahagi ng taon, aba’y baka matambak lang at walang magpaturok ng Sinovac ng China na 25 milyong doses daw.
O kaya naman, baka ang mga matuturukan ng bakuna ng China ay ang mga mahihirap nating kababayan sa mga malalayong lalawigan na wala talagang ibang pagpipilian at hindi masyadong alam ang tungkol sa mga uri ng bakuna.
Gayunman mga tropapips, kahit feeling 2020 pa rin ang 2021, kapit pa rin at huwag mawalan ng pag-asa. Pasasaan ba’t matatapos din ang perwisyong idulot na ito ng virus na ang pinagmulan ay huwag nating kalilimutan–sa China.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)