Timbog sa operasyon ng Philippine National Police at ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isang pinaghihinalaang tulak di umano ng droga sa bayan ng Romblon.
Kinilala ang suspek na si Angelito Fabito Perez o mas kilala sa lugar bilang Litoy, 34 anyos at walang trabaho.
Ayon sa otoridad, ikinasa ang buy-bust operation laban sa suspek noong ika-19 ng Enero sa Port San Andres sa Barangay Capaclan kung saan nabilhan di umano nila ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu.
Matapos magkaabotan, kapalit ng P1,000 na cash, agad nilang inaresto ang suspek.
Maliban rito, may ilang sachet rin ng pinaghihinalaang shabu ang nakuha di umano sa suspek na nagkakahalaga ng halos P5,000.
Dadalhin ang mga narekober sa suspek sa Romblon Crime Laboratory Office sa bayan ng Odiongan para sa kaukulang eksaminasyon.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Romblon Municipal Police Station habang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dati na rin umanong nakulong ang suspek dahil rin sa droga.