Nakakaramdam ng kakulangan ng supply ng baboy at manok ngayon ang mga palengke sa Romblon, dalawang linggo matapos ang holiday season.
Ayon sa ilang meat vendors na nakausap ng Romblon News Network, kakaunti ang napagkukunan nila ng mga buhay na baboy para katayin dahil karamihan umano ay naibenta na noong nagdaang pasko at bagong taon.
Kung noon umano ay nakakapagkatay sila ng mahigit limang baboy sa isang araw, ngayon ay hindi na bababa sa nabanggit na bilang ang kanilang nakakatay.
Sa talaan ng Odiongan E-Palengke ngayong araw, wala namang pag-angat sa presyo ng baboy at manok kahit may kakulangan sa supply.
Naglalaro sa P230/kilo ang presyo ng baboy sa Odiongan Public Market at P180/kilo naman sa mga manok.
Hindi rin makapag-angkat ng baboy mula sa ibang probinsya, dahil parin sa umiiral na ban dahil sa African Swine Fever (ASF) at Avian flu na kumakalat sa Luzon mula pa noong nakaraang mga taon.
Sa pahayag ni Dr. Paul Miñano, Provincial Veterinarian (ProVet) ng Romblon, sinabi nitong magandang balita parin at nanatili paring ASF-Free ang buong probinsya.
Inaasahang sa mga susunod na linggo ay muli ring maabot ng local producers ang demand ng baboy at manok sa lalawigan.