Maglalaan ng aabot sa 5 milyong piso ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Romblon bilang paunang pambili ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ito ang inanunsyo ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang Facebook page ngayong gabi.
Matatandaang nauna na itong naibalita sa radio program ng lokal na pamahalaan nitong Lunes, at kinumpirma naman ni Odiongan vice mayor Diven Dimaala sa isang text message.
“Nakapag initial consultation na kami kanina kasama si Vice Mayor at mga Sangguniang Bayan, at suportado nila ang paglaan ng nasabing pondo,” ayon sa post ni Mayor Fabic.
Aniya, Disyembre pa unang napag-usapan ang pagbili ng bakuna at pinagpipilian ang mga gamot ng Astra Zeneca o Moderna.
Sinabi rin ng alkalde na uunahing bakuna ang mga frontliners sa bayan, mga senior citizens, mga PWDs, at mga walang kakayahang bumili.
Kung kakailangan, may nakikita pang karagdagang 5 milyong piso pondo ang lokal na pamahalaan pandagdag rito.
Lubos rin umano nilang tatanggapin ang mga bakuna na ilalaan at ibaba ng pamahalaang nasyonal dahil mas marami pang residente ng Odiongan ang mabibigyan ng bakuna.
Nagpaalala naman ang alkalde na patuloy na sumunod sa mga health protocols na pinatutupad sa bayan gaya ng social distancing, pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay, at pag gamit ng alcohol, habang wala pa ang gamot sa virus.
“Tandaan, kahit walang nararamdamang simptomas, pwedeng mayroong COVID-19 na virus na dinadala, na pwedeng makahawa sa iba, lalo na sa mas mahina ang immune system. Magkaisa tayo para sa maayos at masigla na Odiongan!” ayon sa alkalde.