Inaresto ng mga tauhan ng San Fernando Municipal Police Station kasama ang Philippine Coast Guard ang walo (8) katao na naabutan nilang nangingisda sa Cresta de Gallo bandang alas-11 ng gabi noong Enero 20.
Ang pito ay pawang mga residente ng Barangay Otod, San Fernando, Romblon.
Ayon sa pulisya, nagsagawa sila ng anti-illegal fishing operations kasunod ng ulat na may nakitang mga nangingisda sa loob ng sanctuary ng Cresta de Gallo na naging resulta sa pagkahuli ng walo.
Pagdating ng mga operatiba sa lugar, nakita umano nila ang mga suspek na nangingisda gamit pa ang isang air compressor.
Nakuha rin sa kanila ang aabot sa 20 kilo ng isda na tinatayang aabot sa P1,500 ang halaga, 2 bangka, 2 unit ng air tank, spear guns at mga hose.
Dinala sila sa San Fernando Municipal Police Station at pinalabas rin matapos magbayad ng kaukulang multa sa Municipal Treasurer’s Office ng San Fernando.
Nalabag ng walo ang Municipal Ordinance No. 108 (An Ordinance Declaring Cresta De Gallo as a Marine Sanctuary).