Nakitang palutang-lutang ang ilang bilang ng mga patay na baboy sa mga baybayin ng Naujan at Pola matapos mamataan ng mga mangingisda at dalhin ito sa pampang upang ipaalam sa kinauukulan kamakailan.
Sa ulat na inilabas ni Provincial Veterinary Office (PROVET) Head Dr. Grimaldo Catapang noong Enero 26, kanyang kinumpirma ang tunay na bilang ng mga nakitang patay na baboy mula sa dalawang bayan sa lalawigan.
Sabi ni Catapang, “ang aktuwal na bilang ng mga patay na baboy mula sa dalawang bayan ay; 15 sa Naujan at 15 sa Pola. Natanggap namin ang unang ulat mula sa mga mangingisda noong Enero 15 kung saan tatlo ang nakita malapit sa baybayin ng Brgy. Batuhan sa Pola at dalawa sa Brgy. Montemayor at isa sa Brgy. Melgar B sa bayan ng Naujan.
Nasundan pa anya ito noong Enero 25 at 26 na sa kabuuang 24 na natagpuan sa tatlong barangay sa Pola at anim na barangay sa Naujan.
Dagdag pa ni Catapang, kanilang kinuhanan ng specimen ang mga baboy upang maeksamin sa Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (RADDL) sa Brgy. Barcenaga Naujan saka ito dadalhin sa National Animal Disease Diagnostic Laboratory (NADDL) para sa beripikasyon kasama ang RT-PCR at ang resulta ay agad ipapadala sa direktor ng Bureau of Animal Industry (BAI) upang malaman ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito.
Matapos makuhanan ng specimen, agad na inutos na i-disinfect ang mga patay na baboy bago ilibing.
Samantala, hinala ng mga mangingisda na nakakita sa mga lumulutang na baboy na ito ay maaring lulan ng mga dumaang barko sa silangang bahagi ng Mindoro saka ito itinapon sa karagatan sa hindi malamang kadahilanan.
Nagpahayag naman si Naujan Mayor Mark N. Marcos sa kanyang mga kababayan at sinabi, “sakaling may makita kayong mga patay na hayop na palutang-lutang sa dagat at ilog o kaya mga inoobserbahang baboy na may mga sakit sa inyong mga lugar mangyaring ipagbigay alam agad sa Municipal Agriculture Office (MAgO) o sa PROVET upang agarang maaksiyunan at maiwasan ang pagkakalat ng anumang uri ng sakit na maaring idulot nito sa mga tao.”
Sa kasalukuyan ‘ASF Free’ pa rin ang lalawigan at ito ang iniingatan ng bawat LGU upang hindi makapaminsala sa kalusugan ng taong bayan. (Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)