Gumaling na kahapon ang natitirang isang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bayan ng Romblon, Romblon ayon sa inilabas na ulat ng Romblon Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) at ng Romblon Rural Health Unit (RHU).
“Sa ngayon ay wala na tayong aktibong kaso ng Covid-19 sa ating munisipyo,” ayon sa pahayag ng Romblon RHU.
Bagama’t wala na, patuloy na pinapaalalahanan ng otoridad ang publiko na patuloy na maging maingat, palaging maghugas ng kamay at ugaliin ang pagsuot ng face mask at face shield sa tuwing lalabas ng bahay.
Sa ngayon, tanging bayan na lamang ng Odiongan ang may aktibong kaso ng Covid-19. Ito ay isang locally stranded individual o LSI na umuwi noong December 20 sa bayan ng Odiongan.
Sa talaan ng Romblon PESU, may 102 na kaso ng Covid-19 na ang naitala sa buong lalawigan kung saan 62 rito ay locally transmitted case at 40 naman ay imported o LSI/APOR na umuwi ng probinsya.
Sa 102 na kaso rito, 99 rito ay gumaling na at 2 naman ang nasawi.