Malugod na tinanggap ng Department of Education – Schools Division Office (SDO) Romblon ang mga bagong gamit pang-imprinta mula sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.
Ayon kay Schools Division Superintendent ng Romblon, Dr. Maria Luisa D. Servando, may aabot sa 7 unit ng copier machine, 7 unit ng cartridge toner, 7 unit ng drum, at 140 reams na bond paper ang tinanggap ng SDO Romblon bilang parte ng programa ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. na ‘Gusto Kong Mag-aral Project’.
Ipapamahagi ang mga donasyong ito sa piling paaralan sa Romblon upang makatulong sa paggawa ng mga learning modules bilang parte ng ipinatutupad na distance learning ng Departamento.
Ayon sa SDO Romblon, ito ay bahagi rin ng Basic Education-Learning Continuity Plan ng SDO Romblon na may layuning ipagpatuloy ang paghatid ng dekalidad na edukasyon sa lahat ng mag-aaral sa kabila ng hinaharap na pandaigdigang pandemya.
Nagpaabot ng pasasalamat si SDS Servando sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. dahil sa suporta at patuloy na pagtulong sa pag-aaral ng mga batang Romblomanon, mula pa umano noon hanggang sa ngayon.