Sa kulungan ang diretso ng dalawang lalaki sa bayan ng San Agustin sa Romblon matapos silang maaresto ng mga tauhan ng San Agustin Municipal Police Station matapos magputol ng mga puno ng niyog ng walang paalam mula sa Philippine Coconut Authority (PCA).
Kinilala ang mga suspek na sina Ryan Rollan, 32, at Jonathan Mapalad, 30, pawang mga residente ng Barangay Poblacion.
Sa ulat ng San Agustin Municipal Police Station, ang dalawa ay naabutan nilang nagpuputol ng puno ng niyog sa Barangay Cagboaya noong ika-23 ng Enero.
Nagsasagawa umano sila ng mobile patrolling bandang alas-10 ng umaga noong araw na iyon nang makarinig ng tunog ng chainsaw, at nang kanilang puntahan ay nakita nila ang 2 na nagpuputol ng puno.
Hinanapan sila ng permit mula sa PCA ngunit wala silang maipakita.
Sa pagsisiyasat rin ng pulisya, lumalabas na expired na ang lisensya ng chainsaw na ginamit ng dalawa.
Nakuha sa kanila ang aabot sa 636 board feet ng kahoy na nagkakahalaga ng halos P12,000.
Nakakulong na ngayon ang dalawa at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8175 at sa Chinsaw Act of 2002.