Hindi muna hinihikayat ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang publiko na gumamit ng torotot bilang pampaingay ngayong kapaskuhan at sa pagsalubong ng bagong taon kapalit ng mga paputok.
Sa ginanap na PIA-Mimaropa Virtual Presser, sinabi ni Dra. Sahlee Montevergin-Sajo, Medical Officer IV ng Center for Health Development Mimaropa, na hindi isinali ang torotot sa listahan na inilabas ng kagawaran na kanilang nirerekomendang alternatibong paingay dahil pinapayuhan ang publiko na patuloy paring magsuot ng face masks kahit nagsasaya.
Aniya, inilunsad kamakailan ng kagawaran ang ‘Tuloy ang Paskong Pinoy 2020: Iwas Paputok Campaign’ kung saan isinapubliko nila ang listahan ng mga maaring alternatibong pampaingay ngayong holiday Season, na tinawag nilang “Pitong Patok na Alternatibo sa Paputok”.
Kabilang rito ang pagpalo ng tambol, pagbubusina, pagpapa-ilaw ng glow sticks, pagpukpok ng kaldero, pag-alog ng mga alkansya, pagpapatunog ng tambourine at pagpapatunog ng malakas ng musika.
“Iilan lamang ito sa mga alternatibo, maari pang makapag-isip ang mga Mimaropans ng pampaingay. Basta maari, lagi nating iisipin ‘yung safety…safe celebration ng yuletide season,” pahayag ni Dra. Sajo.
Samantala, hindi pa naman umano pinagbabawalan ang pagkakaroon ng community fireworks display at ito ay nakadepende sa mga lokal na pamahalaan basta nasusunod ang mga health protocols.
Pinaghahanda na rin umano ng Center for Health Development Mimaropa ang mga ospital sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon sa pagsalubong sa bagong taon.
Kung noong Salubong 2020 umano ay nakapagtala ang ahensya ng 35 na kaso ng fireworks related injuries sa rehiyon, target ulit nila ngayon ang zero-injuries at casualty ngayong Salubong 2021.