Sisimulan na ang konstruksyon ng shore protection causeway o seawall sa beach front ng Poblacion, San Jose, Romblon kung saan matatagpuan ang sikat na puno ng niyog ng Carabao Island.
Ang konstruksyon ay proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan may pondong P93,670,136.48. Kasama rito ang pagsasaayos rin ng access roads patungo sa mga dineklarang tourism destination sa isla.
Nakuha ang proyekto ng Sunwest Construction & Development Corporation at inaasahang matatapos sa loob ng 341 na araw o sa November 7 sa susunod na taon.
Samantala, bagama’t hindi pa nagbibigay ng opisyal na pahayag ang lokal na pamahalaan ng San Jose, sinabi ng isa sa mga opisyal nito sa Romblon News Network na hindi naman umano tatanggalin o puputulin ang puno ng niyog.
Ilang mga residente na rin ng Romblon ang naglabas ng kanilang pagtutol sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng social media.
Nitong Martes, bumisita sa lugar ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources para ma inspeksyon kung may paglabag ba ang isinasagawang konstruksyon.
Wala pang inilalabas na pahayag ang DPWH kaugnay sa nasabing proyekto.