Tumanggap ng sari-sari store package ang isang 17 taong gulang na binatilyo mula sa bayan ng San Fernando, Romblon bilang benepisyaryo ng programa ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Mimaropa kontra child labor.
Ang Kagawaran na masidhi ang kampanya na maitigil ang lahat ng uri ng child labor sa rehiyon ay nagbigay ng tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P30,000.
Si Joseph, (hindi tunay na pangalan) ulila na sa magulang ay namumuhay kasama ang kanyang lola at nagtatrabaho na simula pa noong siya’y 14-taong gulang pa lamang. Wika ni Joseph, “sa murang edad, ako ay nangunguha ng mga panggatong at ibinebenta sa aming mga kapitbahay upang matulungan po ang aking lola. Nagtatrabaho din po ako bilang taga hango ng isda sa baybay para sa mga nagtitinda ng isda sa palengke. Ang aking kita sa pagtatrabaho ay aking ibinibigay sa aking lola para pangbili ng aming mga pangangailangan sa bahay”.
Sa isinagawang profiling noong Hulyo-Diyembre 2019, isa si Joseph sa 900 mga child laborer na naitala ng ahensya sa lalawigan ng Romblon. Ang programang hatid ng DOLE Mimaropa ay magbibigay daan upang matulungan ang pamilya ng mga child laborer na madagdagan ang kanilang kita at iligtas ang mga menor-de-edad sa maagang pagtatrabaho.
Sa kanyang pahayag, lubos ang pasasalamat ni Lola Letecia. Aniya, “nagpapasalamat po ako sa DOLE sa livelihood na ipinagkaloob sa amin. Bilang isang biyuda, tanging ang akng apo lamang ang aking kaagapay sa buhay. Sa pamamagitan po ng inyong tulong, mapapag-aral ko na po ang aking apo hanggang siya ay makatapos. Maraming salamat po sa tulong ng gobyerno”.
Ayon kay DOLE Mimaropa Regional Director Atty. Joffrey M. Suyao, “masaya ako na malaya na ngayon si Joseph mula sa mapanganib na pagtatrabaho. Saludo ako sa iyo para sa pagmamahal at pagmamalasakit sa iyong lola. Nawa’y ang simpleng tulong kabuhayan na ito ay maging daan upang makamit mo ang iyong pangarap”.
Si Joseph ay kasalukuyang mag-aaral sa unang taon ng kolehiyo sa Romblon State University at kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Business Administration.
Dagdag ni Joseph, “ako po ay lubos na nagpapaalamat sa Diyos at sa DOLE sa pagbibigay sa amin ng hanapbuhay na sari-sari store. Amin pong pagyayamanin ang inyong ibinigay na tulong at ako po ay nangangako rin na mag-aaral upang matupad ko ang aming mga pangarap ng aking lola at mabigyan ko siya ng maayos na buhay pagdating ng panahon”.
Patuloy na magbibigay tulong at pansamantalang trabaho sa mga magulang ng mga naitalang child laborer ang DOLE Mimaropa sa pamamagitan ng Romblon Field Office sa kooperasyon ng iba’t-ibang mga munisipalidad sa lalawigan. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)