Ibinaba na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang quarantine status ng bayan ng Romblon, Romblon matapos maitala ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ng bayan ang pagbaba ng bilang ng mga nagpopositob sa virus sa lugar.
Sa MIATF Resolution No. 4 ng bayan, sinabi na natapos na noong ika-8 ng Disyembre ang Modified Enhanced General Community (MECQ).
Bagama’t MGCQ nalang, mananatili paring mahigpit na ipatutupad sa bayan ang ilang mga batas at regulasyon para maiwasan ang tinatawag nilang second wave ng infection ng Covid-19.
Batay sa resolusyon, hindi papayagan ang publiko na lumabas ng kanilang bahay kung wala itong dalang quarantine pass at kung walang suot na face masks at face shields.
Ang mga quarantine pass ay dapat suotin sa lahat ng oras gayun rin ang face masks at face shields lalo na kung nasa Barangay 1, 2, 3, 4 at sa Capaclan.
Maging sa mga pupunta sa mga pampubliko at pribadong lugar kabilang ang mga palengke at iba pang public area, kinakailangan na ring magsuot ng face masks at face shields.
Mananatili namang bawal ang pag-inum ng mga nakakalasing na inumin.
Ang mga kainan naman ay papayagang magbukas para sa dine-in ngunit hanggang 30% capacity lamang ng kanilang lugar.
Sa mga pagtitipon naman ng simbahan, papayagan ito ngunit hanggang 30% lang rin ang capacity dapat ang dadalo sa mga misa at tanging ang mga may quarantine passes lang ang papayagan.
Bawal parin lumabas ang mga kinse anyos pababa gayun rin ang mga 65 taong gulang pataas.
Maging ang pangangaroling ng mga bata ay bawal na muna.
Pinayuhan rin ang publiko na manatili muna sa kanilang mga bahay maging sa panahon na ipinagdiriwang ng bayan ang kanilang kapiyestahan at ang Biniray Festival para sa susunod na taon.