Nakapagtala muli ng isang positibong kaso ng Covid-19 ang bayan ng Romblon, Romblon ngayong araw, December 18.
Ang nagpositibo ay pasyente ng Romblon District Hospital (RDH).
Batay sa opisyal na pahayag ng RDH, ang nagpositibo ay dinala sa ospital noong ika-12 ng Disyembre matapos magreklamo ng abdominal pain, dry cough, shortness of breath, loss of taste and smell at body pains.
Nagpositibo siya sa Rapid Antigen Test kaya isinalang siya sa real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test at dito ay nagpositibo rin siya.
Ang nasabing pasyente ay naka-isolate ngayon sa Covid Ward ng ospital at patuloy na binabantayan.
Hindi pa malinaw sa mga opisyal ng bayan ng Romblon kung ang nasabing pasyente ba ay close-contact ng mga naunang Covid-19 case.
Maalalang noong nakaraang araw ay sinabi ni Mayor Gerard Montojo na wala nang close-contact silang hinihintay ang resulta, matapos mag negatibo lahat.
Nagsasagawa na rin umano ngayon ng contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente sa loob.
Muling pinaalalahanan ang publiko na laging magsuot ng face masks at face shield sa tuwing lalabas ng bahaym at sumunod sa iba pang community quarantine protocols.