Naitala ngayong araw sa bayan ng Odiongan ang kanilang unang kaso ng Covid-19 matapos magpositibo sa virus ang isang locally stranded individual (LSI) na umuwi sa bayan.
Ang nasabing LSI ay umuwi noong ika-4 ng Nobyembre at nagpositibo sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test na isinagawa noong ika-9 ng Nobyembre.
Ayon kay Mayor Trina Firmalo-Fabic, nanatiling asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas ng virus ang nabanggit na LSI na ngayon ay inilipat na sa Municipal Isolation Facility para doon i-isolate.
Kasunod nito, nagsasagawa na ng contact tracing ang lokal na pamahalaan sa mga nakasalamuha ng LSI lalo na sa mga nakasama nito sa barko.
“Noong dumating siya sa pier noong November 4, siya ay dumiretso sa quarantine facility niya, at during that time hindi naman siya lumalabas. Ang kanyang pagkain ay inihahatid lamang sa labas ng kanyang kwarto. Kaya minimize ang exposure nito sa ibang mga tao,” ayon sa pahayag ng alkalde.
Panawagan ng alkalde sa publiko, manatiling mahinahon at wala umanong dahilan para mag-panic dahil kontrolado umano ng lokal na pamahalaan ang sitwasyon.
Hindi rin umano magpapatupad ng lockdown ang bayan at mananatiling modified general community quarantine (MGCQ) ang quarantine status ng bayan.
Ang nasabing LSI ay ika-37 kaso ng Covid-19 sa probinsya.