Malamang na maraming same sex couple ang nabunyi mga tropapips nang maiulat kamakailan ang balitang pumabor daw ang mismong lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis sa maikasal ng pareho ang kasarian kahit man lang sa huwes o civil marriage.
Kaya lang, lumilitaw sa mga sumunod na balita na “taken out of context” at “spliced” daw ang naging pahayag ng Santo Papa sa ipinalabas na dokyumentaryong “Francesco,” kung saan kinuha ang balitang pabor ang lider ng Vatican sa civil union ng mga mag-irog na pareho ang kasarian.
Sa nabanggit kasing dokyumentaryo na ipinalabas sa Rome film festival, sinabi raw ng Santo Papa na may karapatan ang mga homosexual na magkaroon ng pamilya at kailangan na magkaroon ng batas na sasakop para sa kanilang kasal.
Kabilang ang ilang mambabatas natin na sumusuporta sa same sex marraige ang nagliwanag ang mukha na parang nakakita ng langit nang lumabas na naturang balita tungkol sa sinabi raw ng Santo Papa.
Ang isang kongresista, nagsabing umaasa siyang magiging daan ang naturang pahayag ng Santo Papa para maging bukas ang isipan ng mga mambabatas upang ipasa ang nakabinbing panukalang batas na nagpapahintulot ng kasal sa huwes ng parehong kasarilian.
At kung magiging ganap na batas, ang anumang proteksiyon at pribilehiyo na iginagawad sa mga ikinasal na lalaki at babae, ay iiral din sa ikinasal na pareho ang kasarian. Ibig sabihin, puwede na rin silang mag-ampon o maghati sa kanilang ari-arian, o maipasa sa isa’t isa ang anumang naipundar nila, at iba pa.
Sa totoo lang mga tropapips, may mga same sex couple na matagal nang nagsasama na parang mag-asawa at nakapagpundar ng kanilang mga ari-arian. Kaya lang, kapag natsugi sila o ang isa sa kanila, hindi maililipat sa “asawa” ang kaniyang mga naiwan dahil sa mata ng batas, hindi naman sila mag-asawa.
Kaya ang ending, ang ari-arian na naipundar nila ay mapupunta sa kanilang pamilya, o kung wala man, sa kanilang pinakamalapit na kamag-anakan. Pero papaano kung hindi pala kasundo ng namatay ang kaniyang mga kaanak at ayaw niyang maisalin sa mga ito ang kaniyang ari-arian?
Kaya siguro may mga bading o tibo ang pilit na nag-aanak para kahit papaano eh may tunay siyang tagapagmana ng kaniyang ari-arian. Isa nga ito sa mga ipinaglalaban ng maraming same sex couple na matagal nang nagsasama.
Bagaman may nakikita tayong mga “ikinakasal” dito sa Pilipinas na magkapareho ang kasarian, hindi naman legal ang mga iyon at puwedeng sabihin na “seremonya” o pang “simbulo” lamang ng kanilang pagmamahalan ang kanilang naging “kasal.”
May ilang bansa o estado namansa America ang pinapayagan ang same sex marraige. Pero kahit ikinasal doon, wala pa rin iyong bisa pagdating dito sa atin sa Pilipinas.
Kaya naman ganun na lang malamang ang tuwa at hindi makapaniwala ang maraming same sex couple nang maibalita nga na pabor si Pope Francis na maikasal kahit sa huwes ang mga mag-irog na pareho ang kasarian at gusto niyang bumuo sila ng sariling pamilya.
Gayunman, may ilang mambabatas din na nagpahayag ng pagdududa sa naturang balita. At hindi nga sila nagkamali. Dahil naglabas ng paglilinaw ang liderato ng Vatican na “taken out of context” at “spliced” daw ang inilabas na pahayag ng Santo Papa sa dokyumentaryo.
Katunayan, inalis pa nga raw ang pahayag ng Santo Papa na hindi raw dapat pinag-uusapan ang homosexual marriage. Para sa Vatican, hindi nagbabago ang posisyon ng Simbahang Katolika laban sa same sex marraige.
Ang turo ng Simbahan, hindi kasalanan ang homosexual tendencies at dapat igalang ang mga homosexual. Pero malinaw para sa kanila na ang kasalanan ay ang homosexual “acts.”
Pero ang tanong ngayon malaman ng marami nating kurimaw, may basbas man ng Santo Papa o wala, dapat na bang magkaroon ng batas sa Pilipinas para payagan ang ikasal kahit man lang sa huwes ang magpares na pareho ang kasarian? Ang malinaw sa ngayon, ito’y mahaba-haba pang pingkian ng mga dila.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)