Kinumpirma ngayong araw ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) at ni Mayor Gerard Montojo na nag positibo sa coronavirus disease 2019 (Covid-19) ang senior citizen na nasawi sa Romblon District Hospital noong weekend, siya ang ika-36 na kaso ng Covid-19 sa probinsya.
Sa mensahe ni Mayor Montojo sa Romblon News Network, sinabi nito na dumating ang resulta ng pasyente ngayong Lunes, November 9, mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at siya nga ay nag positibo sa virus.
Nailibing na ang nasawing pasyente bago pa man lumabas ang resulta ng kanyang swab test, base sa guidelines ng Department of Health, matapos itong ituring na suspected Covid-19 patient.
Romblon, may local transmission na ng Covid-19
Batay sa contact tracing ng lokal na pamahalaan, lumalabas na hindi umano siya close-contact ni Romblon Covid-19 patient #35, na ngayon ay naka-isolate sa Romblon District Hospital. Dahil rito, sinabi ni Mayor Montojo na may local transmission na ng Covid-19 sa bayan.
“So as per medical assessment ay meron na talagang local transmission. Romblon right now will be requesting the regional IATF (Inter-Agency Task Force) thru Prov’l IATF for a stricter quarantine to limit the movement of people to contain the spread and effect of the virus,” bahagi ng pahayag ng alkalde.
Matatandaang noong nakalipas na mga araw ay ipinagbawal na ang pagbiyahe papasok at palabas ng bayan kung hindi Authorized Persons Outside Residence (APOR) bilang isang paraan para maiwasan ang pagkalat ng nasabing virus.