Hindi muna tatanggap ng mga pasyente ang Romblon District Hospital (RDH) sa bayan ng Romblon, Romblon, ito ay matapos na maging close contact ang ilang health workers sa ospital sa ika-35 kaso ng Covid-19 sa probinsya ng Romblon.
Sa inanunsyo ng RDH sa kanilang Facebook page nitong Sabado, sinabi nila na simula November 7 ay hindi na sil atatanggap ng pasyente hanggang sa lumabas ang resulta ng swab test ng kanilang mga personnel na ngayon ay kasalukuyang naka-isolate.
Pinapayuhan nila ang publiko lalo na ang mga manganganak, magpapaturok sa kagat ng aso at mga out patient consultation ay tumungo muna sa Rural Health Unit ng bayan.
“Ang tatanggapin lang po namin ay ang mga True Emergency at nangangailangan ng agarang operasyon,” batay sa bahagi ng kanilang anunsyo.
Pinagbawalan rin muna na dalawin ang mga pasyenteng kasalukuyang naka-confine sa ospital.
Maalalang ang pasyenteng nagpositibo sa Covid-19 sa bayan noong Biyernes ay ilang araw ng naka-admit sa ospital bago pa lumabas ang resulta ng kanyang real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test.