Simula Disyembre 1, 2020, ipatutupad na ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mandatory tree planting bago aprubahan ang mga aplikasyos sa prangkisa.
Ito’y ayon sa inilabas ng LTFRB na Memorandum Circular (MC) 2020-076 noong Biyernes, Nobyembre 20, kung saan nakasaad ang Mandatory Tree Planting bilang bagong parte ng aplikasyon para sa prangkisa.
Nag ugat ito sa inspeksyon na isinagawa ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade sa Cagayan matapos ang pananalanta ng Typhoon Ulysses, ipinahayag niya ang nakita niyang pangangailangan sa dredging at reforestation program.
Dito ay kinilala ni Tugade ang rekomendasyon ni LTFRB Region II Director Edward Cabase na ipabilang ang basic tree planting program sa mga requirements ng pag-aapply ng prangkisa ng mga kooperatiba o maging ng mga indibidwal.
Sa unang tatlong buwan ng pagpapatupad nito, 50,000 ang itinakdang bilang ng punong maitatanim. Isasagawa ito ng ahensya sa dalawang pamamaraan:
1. Ang mga aplikante para sa bagong Certificate of Public Convenience (CPC), na mayroong hindi bababa sa sampung (10) yunit, ay kinakailangang magtanim ng isang (1) puno para sa bawat yunit na kanilang ia-apply; at
2. Ang mga korporasyon at kooperatiba na naga-apply para sa extension ng validity ng kanilang CPC, ilanman ang kanilang yunit, ay kinakailangan magtanim ng isang (1) puno para sa bawat yunit na kanilang ia-apply.
Matapos ang unang tatlong (3) buwan, lahat ng aplikante na may hindi bababa sa sampung (10) unit ay kabilang na rito.
Inaasahan ang mga operator na makikipag-ugnayan sa kanilang Local Government Unit (LGU) o malapit na tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa lugar na paggaganapan ng kanilang tree-planting activity.
Magbibigay ang LGU o DENR ng proof of compliance at ito ay isasama sa mga dokumento na kailangan ipasa sa aplikasyon.