Sa away ng mga bungangera mga tropapips, nadinig na ba ninyo ang linyang: “Bakit sobrang defensive ka? Siguro, guilty ka ba?”
Sabi ng kurimaw nating hindi mahilig sa sports, ‘yon daw ang pumasok sa isip niya nang mapanood niya si Senadora Pia Cayetano na nanggagalaiti sa galit nang paimbestigahan sa Senado ng kapwa niya senadora na si Risa Hontiveros ang kontrata sa pagpapagawa ng sports facility sa New Clark City na ginastusan ng P9.5-bilyon at siyang ginamit sa nakaraang 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Hinihintay na nga lang daw ng kurimaw natin na sugurin at sabunutan ni Sen. Pia si Sen. Risa gaya ng mga babaeng nag-aaway sa palengke o barung-barong dahil sa tindi ng taas ng boses niya dahil sa sobrang galit sa ginawa ng huli.
Reklamo ni Pia, wala raw basehan at pinu-politika lang ang naturang napakagandang sport facility na ginawa sa pamamgitan ng “Joint Venture Agreement” ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at ang private contractor na MTD Capital Berhad ng Malaysia.
At baka may hindi pa nakakaalam, butihing kapatid ni Sen. Pia si Congressman Alan, na kapalitan niya sa posisyon bilang senador at kongresista. Pero teka, nabayaran na kaya ang mga private supplier ng SEA Games na kahit may pandemic na eh hindi pa raw nakakasingil ng kanilang serbisyo at produkto na milyon-milyon din ang halaga?
Kilalang sports lover si Sen. Pia. Kaya raw nasasaktan siya dahil ngayon lang daw nagkaroon ng ganung kagandang venue ang mga atletang Pinoy sa New Clark eh nababahiran pa raw ng intriga. Naiyak nga raw ang mga atleta nang makita nila ang magandang venue.
Kaya raw baka wala nang mag-invest sa Pilipinas para sa magandang sports facility kung patuloy na iintrigahin ang mga magagandang proyekto at magtitiyaga na lang daw ang mga atleta sa bulok na venue. May katwiran nga naman ang senadora, pero bakit kaya kapag isyung pangkababaihan eh tila tahimik daw ang mambabatas, tanong pa ng ating kurimaw.
Pero papaano naman kung totoo na mayroon ngang katiwalian sa pagpapatayo ng magandang venue? Sabi ng kurimaw natin, hindi raw kaya lalong maiyak daw ang mga atleta kapag nalaman nila na nagamit pala sila ng ilang opisyal na parang kabayo na sumipa nang patalikod sa naturang proyekto para kumita?
Kung tutuusin, may basehan para paimbestigahan ang pagpapatayo ng naturang sport facility dahil na rin sa mismong mga “puna” ng Commision on Audit” sa ginawang pagpasok ng BCDA sa pakikipagkontrata sa MTD.
Kabilang sa mga puna ay ang pagbibigay ng daw ng BCDA ng bentahe sa MTD at nadehado pa ang gobyerno sa proyekto. Dapat din sigurong alamin at pag-aralan ng Senado kung joint venture ba talaga o Build-Transfer ang nangyari, kasama na rin sa paraan ng bayaran, at maging sa kikitain ng MTD sa kikitaan ng venue sa loob ng 25 taon–at posibleng tumagal ng hanggang 50 taon.
Kinukuwestiyon na walang bidding na nangyari sa pagpapagawa ng proyekto at masyado raw napaboran ang MTD dahil mas nauna nilang napag-aralan ang proyekto kumpara sa iba. May mga ulat din na maging ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) eh may negatibo ring komento sa naturang kontrata pero taliwas naman ang sinasabi rito ng BCDA.
Maraming puna ang COA na dapat malinaw at maraming nagdududa sa gastusin na dapat din malinaw. Kaya sa halip na ikagalit ni Sen. Pia, sabi ng kurimaw natin, dapat niyang ipagpasalamat na mabibigyan ng venue ng BCDA–at baka pati na rin ang kapatid niyang si Cong. Alan para maipaliwanag ang proyekto–kung sports silang haharap sa imbestigasyon.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)