Mahaharap sa patong-patong na kaso ang isang OFW sa bayan ng Romblon, Romblon matapos nitong sapakin ang isang pulis sa quarantine control point (QCP) sa Barangay Agnay kahapon ng umaga, November 28.
Ayon sa report ng Romblon Municipal Police Station, ang suspek na si John Dalton Rosales, 33, ay galing sa Barangay IV kung saan may total lockdown at tatawid sana ng Barangay Agnay nang harangin sa QCP.
Sa halip umanong bumalik, naging arogante umano ito at hindi sumunod sa mga barangay kagawad na bantay sa QCP.
Pagdaan ni Patrolman Gener Mendoza, sinuway nitong muli ang suspek at ipinaliwanag ng maayos ang ipinatutupad na lockdown, ngunit sa halip na sumunod ay hinamon pa ito ng suntukan.
Hindi nag tagal ay bigla nalang sinuntok ng suspek ang pulis. Naawat naman ang suspek ng mga barangay official.
Matapos ang suntukan, inaresto ang suspek ng mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station sa bahay ng kanyang ina.
Mahaharap ito sa kasong alarm and scandal, resistance and disobedience, direct assault upon agent of person in authority at serious physical injury.