Nanawagan sa publiko si Romblon mayor Gerard Montojo na ipagpaliban muna ang pagtungo sa capital town ng Romblon matapos maitala sa kanilang bayan ang ika-35 kaso ng Covid-19 sa probinsya ngayong Biyernes, isang pasyente ng Romblon District Hospital na walang travel history.
Sa panayam ng Romblon News Network nitong ika-6 ng Nobyembre, sinabi ni Montojo na ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) muna ang kanilang papayagang pumasok sa Romblon, Romblon habang nagpapatuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng pasyenteng may Covid-19.
“Wala namang lockdown, dinidiscourage lang namin sila na huwag munang pumanta rito. Siguro ‘yung mga APOR nalang muna ‘yung papayagan namin hanggang hindi naayos ito. Kontrolado naman namin ang sitwasyon no, sinisiguro lang namin,” pahayag ng alkalde.
“Habang nasa ospital kasi ‘yung pasyente, maraming bumisita sa kanya, kaya nagsasagawa na kami ng contact tracing. ‘Yung pamilya niya, at mga nakasalamuha sa ospital ay itetest rin natin para makasiguro, sa awa ng Diyos, ay negatibo sila sa Covid,” dagdag ng alkalde.
Pansamantala rin nitong sinuspende ang mga gatherings at assembly na nakatakdang ganapin sa bayan sa mga susunod na linggo.
“‘Yung mga assembly, sinabi ko na sa kanila, huwag na munang ituloy yan at sa ibang petsa nalang kapag pwede na,” sabi ni Mayor Montojo.
Ang nasabing pasyente ay dinala sa RDH noong ika-16 ng Oktobre matapos dahil sa nararamdaman nitong pag-uubo, lagnat, at nahihirapan itong huminga.
Sa kasalukuyan, naka-isolate parin ang nasabing pasyente at nasa maayos na rin umanong kalagayan.