Hinikayat ng iba’t ibang lokal na pamahalaan ang mga residente at biyahero na galing sa bayan ng Romblon, Romblon nitong mga nakalipas na araw na mag-undergo ng mandatory home quarantine hanggang sa matapos ang contact tracing na isinasagawa ng Romblon LGU para matukoy ang mga nakalamuha ang ika-35 pasyenteng nagpositibo sa coronavirus disease 2019 sa probinsya.
Ilan sa mga nagpaabot ng abiso ay ang mga munisipyo ng Odiongan sa Tablas Island, at Cajidiocan sa Sibuyan Island.
“Ang lahat ng residente at pasaherong nanggaling sa bayan ng Romblon ay inaabisuhang mag-obserba ng “home quarantine” pagkarating sa bayan ng Odiongan habang tinatapos ang ginagawang contact tracing sa bayan ng Romblon. Inaasahan ang kooperasyon ng lahat,” ayon sa anunsyo ng Odiongan Public Information Office.
Sinabi naman ni Atty. Greggy Ramos, Focal Person ng Task Force Covid19 Cajidiocan, na ang kautusan nila ay precautionary measures lang habang ginagawa po ang contact tracing sa Bayan ng Romblon.
“Sa ngayon ay hinihimok ang lahat na makiisa at sumunod upang tiyak na ligtas ang ating bayan,” ayon kay Atty. Ramos.
Ipinapaalala naman ng mga otoridad na sundin ang mga precautionary measures na inilabas ng Department of Health katulad ng palagiang paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face masks, at pag obserba sa social distancing.